‘Nanlaban’

IMG_9131
Isang hinihinalang drug user ang napatay sa engkwentro laban sa mga pulis sa isang checkpoint sa Caloocan City, June 11, 2017. Pero napansin ko na may marka ng mahigpit na pagkakagapos ang braso ng lalaki at matigas na rin ang bangkay nito.

“Marami pa iyan.”

Ito ang sagot sa akin ng hepe ng Caloocan sa pangalawang beses na pagtawag ko sa kanya tungkol sa napabalitang napatay uli sa isa pang operasyon ng pulisya noong gabi ng August 17.

Bagot na siya. Wala nang pasensya. Ibinaba niya ang telepono at hindi na rin ako tumawag uli.

Sabi ni Sr. Supt. Chito Bersaluna, na noo’y hepe ng Caloocan police, meron silang ikinasang anti-criminality operation at lahat ng istasyon ay inatasang rumonda.

Simula na nang bilangan.

Dakong 9:30 ng gabi, apat na agad ang napaulat na suspect sa droga ang napatay sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod. Asahan daw na madaragdagan pa ang mga mamamatay sa magdamagan.

Kinabukasan,umabot sa 13 ang kabuoang bilang ng mga namatay sa mga raid sa Caloocan.

Bukod pa ito sa 11 iba pa na namatay sa kamay ng Northern Police District (NPD) sa mga katabing lugar sa Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) quadrant noong gabing iyon hanggang August 18 ng madaling araw.

  • Malabon police station: 1 patay
  • Navotas police station: 1 patay
  • Valenzuela police station: 5 patay
  • Dangerous Drugs Enforcement Unit: 1 patay
  • District Special Operations Unit: 2 patay

Pangatlo lang ang NPD sa dami ng mga napatay noong linggo na iyon. Tatlumpu’t dalawa ang napatay sa Bulacan, habang 25 naman sa Maynila sa kani-kanilang malawakang operasyon.

Nanlaban, paliwanag ng pulisya.

*****

Maliwanag ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte: Patayin ang mga adik na manlalaban.

Kapag may namatay sa drug raid, paliwanag ni Caloocan prosecutor Darwin Cañete, otomatiko na siya ay nanlaban bilang “presumption of regularity.”

Puwede raw kasing i-neutralize ng mga otoridad ang suspect kung nasa peligro ang kanilang buhay habang inaaresto ang salarin.

Pero nanlaban nga ba ang lahat ng mga napapatay sa operasyon?

Marami sa pamilya ng napatay na nakausap ko, naninindigan na hindi nanlaban ang kanilang kaanak. Wala naman daw baril ang suspect, sabi nila.

Kabilang sa mga sinasabing imposibleng nanlaban ay sina Leover Miranda na pinagbabaril ng mga pulis sa Quezon City noong August 3; at Antonio Vinculado Jr., alyas “Plang-plang,” na napatay naman sa Parañaque noong July 14.

Sinasabing may sakit si Miranda, habang si Vinculado naman ay naikulong na ng mga pulis bago pa siya natagpuang nakabulagta sa gilid ng madilim na tulay sa NIA Road.

Sina Miranda at Vinculado ay numero na lang ngayon. Hindi na naimbestigahan ang kanilang kaso.

Sa tally ng rights group at sa mga napo-project sa media, pumalo na sa mahigit 13,000 ang mga napatay sa war on drugs.

IMG_0593Mahigit apat na beses na mas malaki ito sa “#RealNumbers” update ng Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police, National Bureau of Investigation at Bureau of Customs.

Nasa 3,811 daw ang mga napatay mula noong July 1, 2016 hanggang August 29, 2017 sa 70,854 na anti-drug operations.

Kung ano pa man, statistics na lang ang buhay ng mga tao.

*****

Paano kung hindi manlaban?

“Eh, ’di palabanin mo,” sabi sa akin ng isang hepe ng pulisya na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Ang pangulo pa nga mismo ang nag-udyok na taniman ng ebidensya ang mga mapapatay.  “O ’pag walang baril, walang — bigyan mo ng baril.”

Minsan, tumatawag ang mga pulis ng media kapag tapos na ang operasyon. Parte ito ng publicity sa kanilang accomplishment. Sa pagkakataong iyon, nakabulagta, duguan at walang nang buhay ang suspect.

Kahit wala pa ako sa crime scene, madalas alam ko na ang istorya. Kumbaga may template na ako sa anggulo ng report. Madalas din tama nga ang nasa isip ko.

Patay ang isang (tentative ang bilang) lalaki (madalas lalaki) sa engkwento laban sa pulisya sa ______lugar__   __.

Ayon kay _______source______, tinangkang barilin ni ____suspect (minsan walang pagkakakilanlan)___ ang mga otoridad habang inaaresto siya.

Na-recover sa suspect ang isang baril (madalas paltik o .38 calibre) at mga sachet ng hinihinalang shabu.

Wala namang nasaktan sa panig ng mga operatiba.

*****

Isang araw bago pa ang operasyon noong August 17, pumutok ang kontrobersiya sa pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos matapos umanong tangkaing makipagbarilan sa mga umaarestong pulis.

Marami ang hindi kumbinsido na nanlaban ang binatilyo.

Lumalabas kasi sa kuha ng CCTV camera at sa testimonya ng mga nakakita na pinuwersa ng mga pulis si Delos Santos na kalabitin ang gatilyo ng ipinasa sa kanyang baril, pinatakbo saka binaril hanggang mapatay.

Pero hindi katulad ng ibang napatay, naging sensational ang kaso ni Delos Santos na naging daan para maimbestigahan ang mga brutal na operasyon.

Sa pagko-cover ko ng krimen, isa ang Caloocan police sa mga naging aktibo sa kampanya kontra kriminalidad. Marami rin ang mga napatay – halos lahat, hindi napatunayang may sala.

Ayon sa National Capital Region Police Office, ang Caloocan police station ang may pinakamataas na accomplishment sa pinalakas na anti-illegal drug campaign na “Project Double Barrel/Barrel Alpha” ngayong taon.

Bukod sa mga napatay sa operasyon, marami rin ang mga drug suspect na pinatay sa lungsod ng mga hindi nakilalang salarin, saka itinapon lang kung saan.

Ang tawag pa nga ni Caloocan Archbishop Pablo Virgilio Siongco David sa lungsod ay “killing field” sa dami ng patayan.

Ngayon ay bago na ang lahat ng pulis-Caloocan. Nasibak ang buong puwersa noong September 15 dahil sa sunod-sunod na kontrobersiya, kasama na ang pagkapatay kay Delos Santos, isa pang teenager na si Carl Angelo Arnaiz at ang panloloob ng mga pulis sa isang bahay noong September 7.

Natigil din ang mga operasyon.

Bago na ang hepe ng Caloocan – si Sr. Supt. Jemar Modequillo na naging aktibo rin sa mga madugong police operation sa Las Piñas at Parañaque noon.

Sa isang buwan na pamumuno, bumubuwelo pa raw siya. Asahan aniya ang mga aktibong operasyon simula sa mga susunod na linggo.

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s